May pera nga ba sa basura o pera mismo ang basura?
07.20.2007
11:47pm
Linggo ito nangyari.
Sa di ko malamang kadahilanan, medyo tanghali na ako nagigising kapag araw ng Linggo. Sa pagitan ng alas 8 hanggang 10 ng umaga. Oo, dalawang oras ang pagitan. Minsan kasi, kahit mulat na ang mata ko, hindi pa rin gising ang diwa ko. '
Kagat-kagatin man ng lamok o napakamot na sa *toooot* parang wala pa rin. Marahil epekto ng pagpupuyat. Pero ibang usapan na 'yon.
Teka. Alam ko, madaling araw na din ng Sabado (Linggo na pala.) ako nakatulog kaya bumawi lang ako (Sus. Nagpalusot pa.). 'Yun nga.
Naulinigan kong may tumatawag sa ngalan ng kuya kong sa kalapit bahay lamang nakatira. Kapag ang bintana ng kwarto mo' halos ilang dipa lang ang layo sa bahay ng iba, malamang pati pag utot ng isa ay dinig mo.
"Joel! Joel!", ika ng tumatawag. Di pamilyar ang boses. Di ko kilala. Pero dinig ko ang napag-usapan di dahil umagang-umaga, eh, nakikichismis ako o kasi ilang dipa lang ang layo ng bahay ng kuya ko sa bintana ng kwarto ko, pero malakas kasi ang boses nila (Sus ulit. Pero di palusot yan.). Nagpapahanap yung tao ng trabaho sa kuya ko.
Foreman ang kuya ko. Foreman ng kapitan naming engineer. Baranggay tanod naman niya sa gabi. May alam ang kuya ko sa pagiging engineer (Electrical nga ba o mechanical? Ah basta.) kasi undergrad siya ng kursong yon. Nag-asawa lang kasi ng maaga. Kaya medyo mahirap din ang buhay nya.
Nagpapasama sa proyekto yung tao sa kuya ko. Kung may bakante raw, isama siya ng kuya ko. Nasabihan nga lang na wala na talaga. Nasabi yata ng kuya ko na may susunod na project. Dun na lang daw siya isasama.
Kung kani-kanino na daw lumapit yung tao. Wala daw talaga kasing pera.
Di ko na maalala (Sabi ko na sa'yong di ako Chismoso. Kunsensiya: Sira. Kalimot na 'yan pag di mo maalala.) kung ano pa yung napag-usapan nila. Basta ang tumatak sakin, eh yung nagpaalam siyang kakalkalin yung basura sa likod-bahay namin. No offense meant, pero di ako taga-tambakan. May isang parte lang talaga ng likod bahay namin ang basurahan - pinagsawaang bisikleta, pinaglumaang gulong ng trak na pinamahayan ng marahil ng mga lamok pero di ko alam kung san galing dahil owner-type jeep lang naman ang naging sasakyan namin noon, lumang yerong binakbak mula sa kwarto ng nanay ko, bugok na itlog ng manok at kung anu-ano pang laman ng buhay.
Naguha ng lata yung tao. Ipinabigay na din ng nanay ko yung mga inipon nyang lata ng canned goods (Lata na nga, canned goods pa.). Walang-wala daw talaga yung tao.
Ginusto kong silipin kung sino yung tao (Sabi na sa inyong hindi ako chismoso.). Kaso nga lang nung pagbaba ko, siya namang labas nya sa bakuran namin. Gusto ko lang malaman kung sino iyon at kung paano nya nakilala ang kuya ko.
May konti pa ngang pagdududa ang nanay ko kasi nga 'di naman niya kilala yung taong naghahakot ng kung ano mula sa likuran namin. "Private property: No Trespassing", ika nga.
Nabanggit din ng kuya ko na anim ang anak noon. Kasama na ang kambal. Ang kuya ko lima ang anak. Ako, walang anak. Pare-parehas kaming hirap sa buhay.
Maaaring mas hirap ang isa kesa sa isa. Pero ang hirap ay hirap.
Binalak ko talagang i-blog ito. Itinanda ko pa sa notepad ko dito sa opisina para di ko malimutan. Plinano ko din mag-blog bago man lang mag-rest day.
Dalawang gabi na ang nakakaraan, dahil sa isang buwan na lang ay ma-e-expire na ang load ko, sinubukan kong mag-download ng mga laro at gumagalaw-galaw na wallpaper. 'Yun lang. Maubos lang ang load.
Sayang ang 290 Pesos. Oo, lagi lang ako napipilitan mag-load. Di naman ako pala-text o tawag. Kailangan kasi lalo na sa kliyente.
Hinayang na hinayang talaga ko sa mga bagay na ginagastusan ko pero di ko man lang nakikita.
Di ko na dadramahan pang yung pera na pang-load ay pangkain na lang sana nung taong naghagilap ng swerte sa basure.
Pero totoo.
Labels: Them People
posted by Arn at 12:13 AM |