Gilid
Kahapon lamang paguwi ko nag-sink in sa akin na iba na nga ang schedule ko.
Masikat pa naman ang araw nang umalis ako sa opisina. Mas pansin ko ang kahabaan ng Ayala sa ganitong oras - medyo matao lamang. Marahil di pa nagsisilabas ang iba sa kani-kanilang opisina. Mas higit ko ding napagmasdan ang building na katapat ng sa amin. Magara nga ito. Mas makikita mo ang porma nito kumpara sa pagkakailaw nito sa gabi.
Sa may paraan ay bilang lamang ang mga nagtitinda ng squid balls. Ang hudyat marahil ng paglabas ng mga paninda ay ang regular na oras na uwian ng mga empleyado. Wala pa rin ang mga may dala ng mais, mani at vcd/dvd. Ngunit matiyaga pa ding nag-iintay ng cutomer sa silong ng waiting shed ang mga bumibili ng ink cartridge.
Naabutan ko din umaaandar pa ang mga escalator sa underpass at walkway. Karaniwan na kasing di ko inaabutan na bukas pa ang mga ito kapag pauwi na ako sa gabi. Kaya hagdan ang aking ginagamit paakyat at pababa dito.
Sa walkway, kita mo din ang itsura ng mga parking lots. Puno ang mga ito. Ngayon ko lang nakita na apaw ang sasakyan sa mga ito. Kahit na yung mga parking spaces sa mga building ay may laman din. Eto na nga ang office hours, kumbaga.
Di pa naman masyadong madaming tao sa MRT sa oras ng aking paguwi. Hindi ko alam kung isang maganda o balita ba ito. Wala naman kasing ipinagkaiba, matao man o hindi. Kailangan pa ding pumila ng pagkahaba sa pagbili ng ticket. Mukhang kinulang na o istratehiya lamang ng panungkulan ng MRT ang di paglalabas ng stored value card. Ang hirap ng pila ng pila. Mainit pa.
Narating ko naman ang Cubao ng mabilis. Di nga matao kaya't walang nagsisiksikan at nagtutulakan sa mga coaches ng tren. Di rin ganoon katao sa Cubao. Walang prosti sa footbridge sa EDSA-Aurora. Wala din gaanong namamalimos kahapon.
Bagama't maliwanag pa, nakuha ko pang luminga-linga ng kaunti. Ngayon ko lang kasi nasilayan ang lugar ng maaga-aga pa. Ganun pa din ang dami ng bus na patay sa ingay mambusina. Andun pa din ang mga taong hindi bumababa at naghihintay ng sasakyan sa tamang lugar. Ngunit mayroon akong nakita na hindi ko talaga nagustuhan. Isang tambak ng suka sa mag gilid ng poste. Malamang na galing ito sa isang pasahero ng bus na nahilo sa biyahe at dito na ibinuhos sa siyudad ang bangis ng kanyang niloloob. Nai-imagine mo ba kung ano yung itsura nung suka o gusto mo pang isalarawan ko para lamang sa iyo?
Lakad pa ng kaunti at napansin ko na ganon pa rin pala ang kalakaran mapa-araw man o gabi. Andun pa din ang kotong cops. Ang mga buwaya na paswelduhan ng mga mamamayan na nagbabayad ng buwis ay nakaabang pa din sa ilalim ng tulay ilang hakbang lamang mula sa istasyon ng bus na aking sinasakyan. Nahuli ko na sila noong ginagabi ako ng uwi. Bawal magtawag ng pasahero sa ilalim ng overpass. Ngunit may bus na biyaheng pamprubinsya ang hihinto sa ilalim nito. Bababa ang kunduktor at may iaabot na isang bagay na nakabilot sa isang mamang tao naman ng karinderya sa ilalim ng tulay. Pagkakuha ng mama sa nakabilot na bagay na ito ay magsasalubong sila ng pulis at ang ikatlong "take it... take it" na eksena ang magaganap. Sa kabilisan ng pangyayari ay di ko man lamang sila nalampasan habang nag-aabutan sila. Mabilis pa naman akong lumakad pero mas mabilis naman ang mga kilos nila.
Kahapon nga ay may nakaparadang bus doon at naghihintay ng pasahero. Ang patrol ng mga pulis naman ay nasa tapat lamang ng hagdan ng overpass. Sa ganyang lokasyon ay tila nagpapahiwatig ng magandang samahan ang bus at ang police patrol.
Napailing na lamang ako.
Nang makarating ako sa teminal ay nasilip ko na ang bus na sasakyan ko. Umiba kasi ito ng pwesto. Noo'y nasa bukana lamang ito ng gate ngunit ngayo'y nakapwesto na ito sa may gitna. Lumilipat kasi ang ibang pasahero kapag biglang dumaan ang isa pang kakumpitensyang bus sa tapat ng terminal na papuntang samin. Mas napapatagal ang pagpuno nila ng pasahero. Mas napapatagal ang paghihintay. Paghihintay na nakakabagot. Nakakaantok. Nakakatigatik ng pawis sa loob ng animo'y isang kalan o pressure cooker sa init. Walang pagdaanan at panggalingan ang hangin. Ngumuya ka man ng adobong mani at lumagok ng mineral water ay walang bisa sa patay na oras. Daanin mo na lang sa pagsandal sa upuan at pagpupunas ng pawis ang lahat.
Pag abante ng bus ay namatyagan ko ang mga tindahan sa tabi ng terminal nito. Ngayon ko lamang naabutan na bukas sila. May upholstery shop, furniture shop, motorbike shop atbp. Madilim ang loob ngunit pansin mo na may tao. Tao na naghihintay na rin siguro ng oras ng paguwi.
Nag-tiket na ang kunduktor at nagulat akong tumaas na naman ang pamasahe. dating P33 ngayon at P46 na. Apat na piso na lamang ay parang sa fx taxi na ako sumakay. Ang P46 dati ay pambayad na sa airconditioned bus, may sukli ka pa.
Konting usad pa ay dumako na kami sa may North Ave. Oo, madaming tao sa may squatters' area sa may MRT station na ito. Kahapon ko lang nakita na ang dami palang kabataan dun na nakatambay dun sa may hilera ng kambingan. Ayokong isipin na maaaring isa sa mga ito ang nang-aagaw ng celfone ng mga pasahero mula sa bintana ng bus. Ayoko ding isipin na sila ang sisiga-siga sa lugar na iyon. Kung makikit mo kasi ay wala pinagkaiba ang dating nila sa mga batang kalye na may karang walang sinasanto't handa sa anumang gulo. Pasensya ngunit nakalakhan ko na ang ganyang set-up. Kaya hindi ko rin masisisi ang sarili na mag-isip ng di gaanong kagandahan. Para na rin sa pag-iingat ko, kumbaga.
Maaga naman akong nakarating sa amin. Kaso nga lang gabi pa din akong natulog. Hindi naman talaga ko sanay na matulog ng maaga.
Kaya't paggising ko para sa susunod na pasok sa trabaho ay pilit pa. Tumatawad pa ako ng ilang minuto para makabawi man lamang sa di pagtulog ng maaga. Ngunit sa oras na mabasa ang aking mukha sa paghihilamos ay pihadong ako'y gising na. Sasabayan ko na din ito ng pagmumumog para makapagtimpla na ng mainit na kape.
Maulan nung pagpasok ko naman kanina. Medyo natagalan ako sa paghihintay ng bus. Sa pagkakataong ito ay nakakuha ako ng upuan. Kadalasan kasi ay puno na din ang bus na naaabutan ko.
Parehas pa din sa MRT. Bilang lamang ang tao at mayroon nang supply ng dyaryo. Nakaupo din ako sa tren. Kaso nga lamang ay ubos na ang stored value card na binili ko nung isang linggo. Pahirapan na naman sa paguwi sa mga susunod na araw.
Hindi matao sa Makati sa ganitong oras. Wala din ako masyadong nakitang mga empleyadong kagaya ng sa akin ang linya ng trabaho. Sa walkway ay dadalawa lamang ang aking nakasalubong - isang may edad na na babae na nagwo-walkathon at isang mama na nakatungo. Bagong mukha na din ang mga napapansin ko sa ganitong oras. Hindi ko na nakikita ang madalas kong mga nakakasabay, sa bus, walkway, mrt, kainan o kalsada man.
Dito naman sa kinauupuan ko, maski na saang anggulo ako lumingon ay may tao. Ngayon lang ulit ako nagkaron ng shift ng madami pa akong inaabutan na nagtatrabaho. Masaya. Parang kagaya na din ng dati. Hindi nauubos ang oras ko sa pagtitig sa monitor ng computer hanggang ang mga mata ko'y manlabo.
Ngayon ko nga lang talaga nakumbinsi ang sarili ko na iba, ulit, nanaman ang takbo ng aking sistema. Pabor din naman sa akin ang pagbabago. Minsan din nama'y hindi.
Ang pinakaaantabayan ko naman na oras sa buong araw ay ang aking paguwi. Hindi dahil gusto ko namang takasan ang aking trabaho. Mas nakikita ko kasi kung ano ang Makati sa ganitong oras. Ang pagmasdan ang bawat bagay na interesante ay nakaaaliw. Sa gilid ng aking mga mata nagmumula at nagtatapos ang lahat.
LSS: Reasons - Earth, Wind & Fire
posted by Arn at 11:57 AM
|
<< Home