Accdg. to a certain website, this was my pastlife...think about this, "Life may not be the party we hoped for. But while we're here, we might as well dance." So, shall we?
Unstable Dancer
Layout by goldi
Tuesday, October 25, 2005

Hoy! Tamo.

This post was inspired by this sad news.

Nanghihinayang talaga ko sa mga ganyang istorya. Yung kapag tiningnan mo ang mga nangyari, pakiramdam mo na di na-maximize ng isang tao ang kanyang buhay. Yung halos di na siya nabigyan ng marami pang pagkakataon na tuklasin kung ano ang naghihintay sa kanila sa mga susunod pang mga araw at pagkakataon.

Galit talaga ko sa mga nambibiktima ng mga inosenteng tao. Mapa-holduper pa yan, snatcher, swindler o kahit pa yung nandadaya sa timbangan sa tindahan o nananadyang manggulang sa suklian o transakyson ng anupamang bagay. Lintek na yan. Bakit ba may mga taong namihasa ng ganyan at di na ata napangaralan ng kagandahang asal.

Alam mo yung sinaunang parusa na kung anong bahagi ng katawan ang ginamit mo upang maisagawa ang isang masamang bagay ay iyon ang puputulin? Yun ang gusto kong ipataw na kaparusahan sa mga masasamang loob na ganyan.

Medyo banas talaga ko sa mga taong kukunin ang isang bagay ng basta-basta na lang na di na talaga inisip, o kung inisip man ay pansariling hangarin na lang ang naitatak sa kanyang kukorte, ang paghihirap at pagtitiis ng taong pinagkuhanan nya ng bagay na yaon.

Ang kapatid ko'y biktima din ng ganyan. Pera at celfone ang nakuha sa kanya sa isang madilim na bahagi ng Avenida. Ginagawa pa noon ang LRT (2 o 3?) nun. Pasado alas 7 pa lamang nun. May kaagahan pa. Madami pa ding naglalakad. Matao. Madaming sasakyan. Sinalubong daw siya ng mga limang kabataan at pinalibutan siya. Pinitsarahan. Tinutukan ng patalim at kinapkapan. Nang makuha ang celfone at bag ay lumakad nang papalayo sa kanya. Nakuha pa ngang sundan ng kapatid ko't nagmamakaawa. Sinabihan daw sila ng kapatid ko na hindi kami mayaman at wala na siyang pamasahe pauwi samin. Andun din daw ang notebook nya. Wala daw mahalagang laman yung bag kundi gamit sa eskwelahan. Maynila yun at sa Malolos pa siya uuwi. Nakailang lingon daw sa kanya yung grupo bago ibato sa kanya yung bag at P50 nya. Buti na lang at hindi siya sinaktan. Pagkatapos ng insidente, nilapitan siya ng isang driver at tinanong kung ano ang nakuha sa kanya. pinagtinginan din siya ng mga by-standers na naghihintay ng jeep sa kalye.

Sa istorya ni Jeff, ang biktima dun sa article, at ni Pot, ang kapatid ko, naisip ko kung nasaan ang mga alagad ng batas ng ganung mga oras. Kung tutuusin di pa naman hatinggabi iyon. Madami pang tao. Dapat kung nasaan ang tao, nandoon din sila dahil ang numero uno nilang tungkulin ay pagsilbihan at protektahan ang mga tao sa isang lugar sakop man ng distrito nila o hindi.

Ano ba naman ang malay ng isang simpleng estudyante kung bigla na lamang siyang bulagaain ng ganitong pangyayari? Kadalasan, paglisan mo sa klase ay pag-uwi at pamamahinga agad ang nasa isip nila. Talagang magugulat ka at masisindak kung ganito ang sasambulat sa iyo matapos ang ilang oras at pagod sa pag-aaral. Tama nga na dapat laging handa at maingat. Subalit dapat din nating isipin na may mga tao din talaga na ang trabaho ay proteksyunan kung sinuman ang nasa kalye. Hindi naman sa paninisi sa mga pulis dahil hindi na din maibabalik pa ang mga bagay na nawala at ang buhay na nasayang.

Di ko naman mawari kung talagang kahirapan ba ang nag-uudyok sa ibang tao na bumiktima ng kapwa nila. Kung kahirapan, e bakit kumpleto halos ang kagamitan ng maraming bahay sa mag riles? Pano sila nagkakaron ng ganong mga gamit kung mahirap sila? Galing din sa nakaw? ibig bang sabihin nito kailangan ko ding magnakaw maipaghiganti ko lang ang kapatid ko? Nakawan na ba ang labanan ngayon para may makapag-uwi ng kaunting pera sa iyong pamilya? Hindi na pala raket o sideline ang pagnanakaw. Isa na baga itong kabuhayan?

Pano kaya nila nasisikmurang magpakasasa sa isang bagay na nakuha lamang nila sa pamamagitan ng pagdurusa ng iba? Pano kaya nila nalulunok ang pagkaing nabili gamit ang pera mula sa pandedekwat? Pano kaya sila nakakatulog habang ang taong hinoldup nila ay nakabulagta sa kalsada at wala pang nakakakita para isugod sa ospital? Pano kaya nila nakukuhang ipagwalang bahala ang kahalagahan ng buhay?

Anak kayo ng teteng, oo.

Kung inaakala nyong maisasapelikula ang buhay nyo, gumising na kayo sa ilusyon nyo. Mahina ang pelikulang Pilipino ngayon lalo pa't walang kwentang istorya ng buhay nyo lang ang irorolyo.

Ako din muntik nang na-holdup nung mga 2nd o 3rd year college ako. Alas 7 ang pasok ko nun. Alas 5 pa lang, nag-aabang na ako ng bus papuntang UST kasi agawan ng sasakyan pag Lunes at masyadong ma-trapik paluwas. Dumating ako ng eskwelahan bago mag alas 6. Madilim pa. Naglakad ako ng mga ilang kanto dahil di bumaling yung bus sa talagang babaan. Habang naglalakad ako, may sumusunod sakin na naka-bike. Nagtanong kung anong oras na. Magalang ko namang sinabi na wala akong relo. Wala din akong celfone para pagtignan ng oras. Sumunod pa rin siya at tila may sinasabi. Eto naman ako, si suplado, tumingin lamang dahil alam kong wala naman akong maitutulong sa kanya. At ayoko din ng kinakausap ako ng taong di ko kilala at ang pag-uusap pa ay pawang walang saysay lamang. Normal lang ang lakad ko hanggang bumilis ang pagpedal nya at lumampas sa akin. Lumiko siya at sinalubong ako. Nandun na siya sa may bangketa o lugar na naka-elevate sa mismong kalye. Huminto at tinanong ako kung natatakot daw ba ako sa kanya. Nalito din ako at sinagot ko siya ng, "Ha?" Di siguro nya namalayan na ilang hakbang na lamang ay nasa gate na ako ng UST. Nilampasan ko lamang siya at pumasok na/. Napansin ko na lang na nag-bike na siya palayo. Ang mali ko lang ay di ko siya ini-report sa gwardiya.

Kahit sino naman sa ganitong panahon at henerasyon ay di talaga siguradong ligtas. Kung yung mga businessman o matatanda nga nabibiktima, eh yung mga walang muwang na estudyante pa kaya.

Kaya yung mga taong nagbabalak o bahagi na ng buhay ang magnakaw, mang-holdup, mangikil, manloko, manggantso at mahilig manlamang at mang-isa ng kapwa, para sa inyo itong sasabihin ko : huwag sanang mangyari sa anak o mahal nyo sa buhay ang ginagawa nyo. Hindi sana magmana sa inyo ang mga anak nyo. Hindi man kyo usigin ng batas, andyan naman ang kunsensiya ninyo. Tandaan nyong ang magnanakaw ay galit sa kapwa magnanakaw.

Pangalawa sa maraming balita lamang ang isang ito. Una kong nabasa sa Varsitarian yung pinatay na AB student nang holdup-in ito sa loob ng fx habang pauwi.

Ang nanay ko ay biktima naman ng isang snatcher nung college din siya sa UST. nakipag-agawan pa daw siya nun sa bag nya pero tinambangan daw siya ng patalim. Mula noon ay nagka-phobia na talaga siya sa mga ganyan kaya't maya't maya ang mga bilin nya sa amin na mag-iingat lalo na kung kami ay paluwas.

Ilang taon nang nakalipas nang mabiktima ang aking ina? Katatapos lang ng panibagong kaloobang nagdurusa. Ngunit pareho pa din ang sistema. Di na nilisan ng peligro, kaba at pagkabalisa ang paligid ng aking eskwelahan.

Wala talagang sinasanto ang kasamaan.


posted by Arn everybody's gone kung fu fightin at 11:58 AM