First Day High (Inspired by the tv commercial/ music video of the same title by Kamikazee)
5pm
Medyo maaga ko kaninang gumising kasi nga holiday kahapon, Lunes. Tantya ko na na magdadagsaan ang luluwas pa-Maynila ngayong Martes.
Bago pa mag- 6:30 am, eh nakalabas na ko sa bahay namin. 4:40am ako nagpa-alarm. Pero bumangon ako ng alas 5. Pag naligo talaga ako bago matulog, eh nahihimbing ako at tinatamad akong bumangon.
Paglabas ko ng gate sa dinadaanan kong public school ay napansin ko ang magkapatid na babae't lalaki sa may gilid. Mukhang mas matanda yung lalaki. Iniisip ko kung bagong lipat lang sila samin kasi nun ko lang sila nakita. Yung lalaki, eh 4th year high school na sa eskwelahang pinagtapusan ko ng high school. Yung babae naman, eh dun sa pinagtapusan ko ng elementary. Pano ko nalaman na 4th year na yun? Kasi may patch kami sa taas ng bulsa ng polo na nakalagay yung initials ng school tapos may dash at kung anong year ka na. Yung babae, di ko naaninaw kung anong year na.
Bago pa ko tumawid, nauna nang sumakay yung kuya sa jeep. Sinabihan nya yung kapatid nya ng, "O, ano? Kaya mo na?" sabay sakay sa unahan. Naiwang nag-aabang ng sasakyan yung babae. Naisip ko kung ba't di pa sinabay nung kuya kasi on the way naman yung school ng babae sa sinakyan nyang jeep. Mas una pa nga yung school ng babae kasi isang baranggay lang ang layo at wala pang 10 minutes ang biyahe samantalang yung sa lalaki naman ay nasa bayan pa na mga 20 minutos siguro ang biyahe.
Naisip ko na baka ngayon lang magko-commute yung babae. Baka 1st year high school siguro.
Mas matindi dito, naisip ko na ganun din ako. Ayoko na "bumubuntot" at "binubuntutan" ng kapatid ko. Babae din kasi ang sumunod sakin. Minsan ngang paluwas kami, nauna na din akong sumakay. Kasi naman namimili pa ng sasakyan yung kapatid ko. Pero pag karaniwang magkasabay kami, eh naaasiwa ako. Ganun din siguro yung nakita kong magkapatid kanina.
First day of school kasi ng karamihang high school at college students. Siguro kailangan din nung babae ng kahit kaunting moral support. Para kasing nakakaawa kanina na bigla na lang siyang iniwan ng kuya nya. Tapos, kung first time nyang mag-commute ng mag-isa syempre mananantya pa yun ng sakayan, babaan, pagbabayad. Idagdag mo pa pag first day mo sa school tapos 1st year ka pa.
Pero sa kabilang banda, baka gusto lang din nyang maging independent yung kapatid nya. O, maranasan nito kung ano ang karaniwang nararanasan ng lahat. Everyone goes through it, ika nga.
Sa pagtawid ko papuntang sakayan, nangiti na lang ako kasi akung-ako yun.
posted by Arn at 5:16 PM
|
<< Home