Accdg. to a certain website, this was my pastlife...think about this, "Life may not be the party we hoped for. But while we're here, we might as well dance." So, shall we?
Unstable Dancer
Layout by goldi
Monday, January 08, 2007

Akie And Gaby
01.05.07 Fri
7:13pm
Music: Money - Cindy Lauper


Ngalan yan ng mga pamangkin ko. Magkapatid sila. Si kuya ay walong taong gulang, magsisiyam nitong buwan. Si bunso nama'y magdadalawa na sa Abril.

Dati silang nakatira sa matandang bahay na tinirhan naming lahat na magkakapatid. Ngayo'y nakalipat na sila sa sarili nilang bahay sa tabi ng matandang bahay.

Pasado alas sais kaninang umaga nang bumukas ang pinto sa likod-bahay. Si Gaby, akay ng kanyang nanay, ang aking ate, ang pumasok at mag-iinit ng tubig bitbit ang whistling kettle. Hindi pa plantsado ang bahay nila kaya hati pa din kami sa lutuan.

Ako'y naghihilamos na noon sa banyo. Kakabangon ko lang beinte minutos pagkatapos mag-alarm ang aking telepono. Hindi ko na talaga nasusunod ang itinakdang oras ng paggising ko sa aking sarili. Karaniwa'y bumabangon agad ako pero nitong huli ay pinapatay ko lang ang alarm at bumabalik ulit sa pagtulog. Oo, ang may sala ay ang panahon. Laging malamig sa umaga at madilim pa ang langit mga bandang alas singko singkwenta. Kahit tumuntong pa ang kamay ng orasan sa pang alas sais ay makulimlim pa din ang paligid na animo'y uulan.

Pagsilip sa akin ni Gaby sa banyo ay tumakbo na ito pabalik sa aking ate, sa kanyang ina. Sindan ko siya at inakay papuntang sala.

Nakasuot siya ng tsinelas na higit 500 pursyente ang laki sa kanyang paa. Hinubad nya ito at umakmang papasok sa kwarto ng aking ina. Nang bubuksan na nya ang screen door ay sabay naman ang labas ng aking ina kaya't siya'y tinamaan ngunit di naman nasaktan. Matibay din ang batang ito.

Niyakap at hinalikan siya ng aking nanay habang siya naman ay pilit na kinukuha ang hinubad na tsinelas na sobra sa laki. Habang nilalaro siya ng aking nanay ay nakita nyang nakahilera ang dalawa nyang tsinelas sa lagayan namin ng sapatos. Tuwing pagdating kasi namin ay nilalagay namin ang aming huhubaring sapatos o tsinelas na pang-alis sa may gilid ng hagdan. Sa gayon, nasanay na din si Gaby na ihilera dun ang kanya.

Pero sinuot pa din nya ang malaking tsinelas na ayaw talaga nyang hubarin. Pumasok ako sa kwarto ng aking nanay at kumuha ng Hello pipers na peanut butter flavor para iabot kay Gaby. Kinuha naman niya ito pero inilapag din sa tukador ng libro.

Nagpaalam na ang aking ina na papunta sa bahay ng kanyang kapatid, ang aking tiyo. Habang si Gaby ay sumunod naman sa may pintuan. Hinabol ko ito at inalalayang bumaba sabay abot ulit ng wafer.

Iniwan ko na siya at ako'y nagtimpla na ng aking kape. Ugali ko na na magpaikut-ikot sa bahay habang umiinom nito. Hindi ako sanay na nakaupong nagkakape sa bahay. Di kalakihan ang aming bahay pero nababagot ako kung higop-halo-higop lang ng kape ang gagawin ko tuwing umaga. Pasilip-silip din ako sa labas ng pinto o ihahanda ko na ang gamit sa paliligo habang lumalamig ang mainit kong kape. Gusto kong napapaso ng mainit na kape. Sa unang buhos pa lang ng mainit na tubig at paghalo nito ay tinitikman ko na kung tama ang tapang ng gawa ko. Gusto ko ng itim at mapait. Konting asukal at walang halong creamer o gatas. Lalo nang gusto ko din na ako ang mag gawa hindi iba maski pa isang sikat na coffee fix.

Pagsilip ko sa pinto ay nakita ko si Gaby na tila may kinakausap. Akala ko'y nadapa dahil tanggal ang isa nyang tsinelas. Tinanong ko siya kung ano ang ginagawa nya ngunit ang sumagot ay ang aking kuya, tiyo ni Gaby, na nag-aayos ng kanyang bisikleta. Binabato raw ang isang pusa.

Lumapit ako para makita. Kuting ang kanyang binabato at anak ito ni Phoebe. Kung inyong matandaan ay naisulat ko na ang tungkol sa pusang ito dito. Nakasuot ang pusa sa isang ukang bahagi ng taas ng aming bahay. Binato rin ni Gaby ng wafer ang kuting. Pero ito'y di para saktan siya kundi para laruin. Tuwang-tuwa palagi si Gaby pag nakikita ang mag-anak na Phoebe na ito. Nang aayusin ko na ang suot nyang tsinelas ay pinuntahan na siya ng kanyang kuya, si Akie, isa sa aking siyam na pamangkin, para dalhin sa loob ng kanilang bahay. Itinuro ko na ang wafer na ibinato rin ng kanyang kapatid.

Pumasok na sila sa kanila at pumasok na din ako samin. Inubos ang kape at naligo. Naghanda na sa pagpasok.

Sa tingin ko'y medyo naaga na ko ng paglabas ng bahay upang maghintay ng bus. Dati'y nakakalabas ako ng mga bandang alas siyete ngunit kinalauna'y pasado alas siyete y medya na ko nakakaalis. At nito ngang bandang huli ay halos alas otso na ko nakakaalis. Pero ganun pa din naman. Mahigit isang oras pa din ang itinatambay ko sa opisina bago magsimula ang aking shift.

Pagtawid ko sa kalsada papuntang abangan ng bus ay napansin ko si Akie na may hinihintay, nakaunipormeng pamasok. May klase ngunit tila tanghali na para sa oras nya sa eskwela. Naisip ko na baka naiwanan siya ng kanyang service (school bus pero di naman bus kundi van). Marami nang naglisawan sa kalye nun - tricycle drivers, magtataho, mga papasok sa trabaho, mga nakabiskleta. Pero tila malungkot siya at nangangamba.

Naisip ko na ganun din ako nun. Oras na ng klase ngunit ako'y kasalukuyang babad sa init ng araw at naghihintay ng sundo. Kung walang sundo, naghihintay ng sasakyang tricycle na ibibiyahe ako ng higit 10 minuto na ang bayad pa minsa'y doble kung ako lang ang sakay.

Si Akie ay tila inip. Tila gusto nang umuwi at sabihin sa nanay nyang nag tagal ng hinihintay nya at huli na siya sa klase kaya di na lang siya papasok. Ganyan madalas ang hirit nya sa kanyang ina pag tinanghali sila ng gising. Karaniwan kasi sinusundo siya ng service mga bandang alas sais kinse ng umaga. Pero ang simula yata ng klase'y alas siyete y medya. First trip kasi siya kaya't ganun kaaga.

O kung andun man ang nanay nya'y nagmamaktol na yun sa inip.

Ngunit siya lang mag-isa.

Panganay siya at gayundin ako. Marahil pareho kami. Dapat alam nya ,at alam ko din nung panahong ganun ako, na kayanin mag-isa ang pagsubok. O di kaya ang paggawa ng desisyon. Na sa bawat biyahe ay maaaring matangay kami sa unang pasada o maiwan para maghintay ng susunod. Yun ay kung may susunod pa. Kung wala ay sarili na naming diskarte.

Si Akie at si Gaby. Isang walo at magdadalawang taong gulang. Nagawang makipaglaro sa kuting at magtiis sa sundo.

Parehas ko noon.


posted by Arn everybody's gone kung fu fightin at 6:24 PM