Wet Wet Wet
Walang sinabi ang isang basang sisiw sa akin kagabi.
Nakinikinita ko na na malakas ang ulan. Medyo kumikidlat kasi sa kalangitan noong naglalakad ako sa walkway kahapon. At nang malapit na ako sa Greenbelt ay nagsimula nang humamog. Mas lalo akong nagmadali sa pag-aakalang malakas ang ulan sa aking patutunguhan --- Cubao, kung saan naroroon ang terminal ng aking sasakyan.
Ngunit ako'y mali pala. Marahil ay mas nauna nang inulan ng Cubao kaysa sa Makati. Medyo tuyo ang kalsada ng EDSA kagabi. Natiyempuhan pa na hindi ko na kailangang maghintay ng bus o fx dahil may dumating na agad na bus patungo samin. Wala pang gaanong sakay kaya naman ay nakapamili pa ako ng ayos na pwesto at nakapagpahinga na din. Napuno din ito habang kami ay papalapit na sa expressway.
Matiwasay naman ang biyahe. Umulan na lamang pagkatapos ng mga ilang minuto mula ng pumasok na kami sa Bulacan. Inisip ko na baka doon lamang maulan at sa amin ay hindi. Kung umuulan man ay may kahinaan o pasimula pa lamang. Mali na naman ang aking hinala.
Ang pagkalakas ng ulan ay nagdulot na ng baha sa kalapit baryo namin. Inisip ko na din na di maaaring wala pang baha sa lugar na bababaan ko --- eskwelahan.
Nagpaabiso na ako sa kunduktor ng bus na kung maaari ay doon na lamang ako ibaba sa may gasolinahan dahil malalim na ang tubig sa may eskwelahan. Sinabi ko na din na doon na lang ako ibaba sa baryo na susunod sa amin upang sumakay na lamang ako ng tricycle pauwi. Ngunit masama yata ang timpla ng kundoktor at doon na lamang pinahinto sa driver ang bus. Bumaba na din ako sa pag-aakalang mayroon akong masisilungan. Mali na naman ako. Di lang umaanggi sa may gasolinahan, baha pa.
Kalalapag pa lang ng mga sapatos ko sa aspaltong daan ay para na akong binuhusan ng isang timbang tubig sa lakas ng bagsak ng ulan. Wala na akong nagawa kundi magpatuloy nang lumakad. Hinibad ko na ang aking mga sapatos at medyas. Nabasa na din sila ng tubig. Di lamang tubig, nag-amoy gasolina pa sila. (Bakit ba kasi doon ko pa naisipang bumaba, eh?)
Hindi ako magkamaliw kung ano ang una kong aayusin sa mga dala ko. Ang aking telepono ay nasa bulsa ko at tila basa na rin. Kinuha ko ito at isinilid na lamang sa aking bag. Ang aking isang medyas ay isinilid ko sa loob ng aking basang sapatos. Bumalik pa nga ako sa may gasolinahan nang mapansin kong wala ang isang pares ng medyas ko. Tutal basa na naman ako, wala nang tuyo sa akin na iniingatan kong mabasa. Ang aking pantalon ay basa na ng tubig-ulan at baha.
Pasalubong sa mga sasakyan kong tinunton ang gate ng eskwelahan. Habang umaabante ang mga sasakyan ay di na rin naiwasan na matilansikan ako ng tubig. Basa na nga, lalo pang binasa.
Mga ilang metro pa lamang ang layo ko sa gasolinahan ay biglang kumidlat at parang naapektuhan ang posteng malapit dito. Grounded ata. Nagulat at natakot din ako dahil kalapit ko lang yung poste. May konting siklab kasi akong napansin. Naisip ko na kung kumidlat at sa akin tumama o biglang malagot yung kable ng kuryente habang nakalusong ako sa baha. Patay kang bata ka.
Mula highway hanggang bahay ay nakatapak ako. Leptospirosis. Tibo. Pako. Wala yan. Wala akong magagawa.
Naligo ako pagkahubad ko ng mga suot ko. Polo ko, basa. Sando ko, basa. Medyas ko, basa. Pantalon ko, basa. Shorts ko, basa. Pati ba naman brip ko. Haaay, walang ligtas sa lakas ng ulan.
Mga ilang minuto muna ang aking pinalipas bago kumain ng hapunan. Dala ng aking ina ang aking kakainin. Galing kasi siya sa bahay ng aking lola. Bingyan din ako ng aking ate ng ulam nila habang ako'y naghihintay.
Sabay ang pahinga, panonood ng telebisyon at pagkain ng embutido at ginisang munggo kagabi. Medyo pata na din ang katawan ko. Palalim ang gabi at palalim na din ang tubig sa labas ng bahay. Mayamaya'y lalakas kapagdaka'y titila ang ulan. Salamat na lamang at di pinasok ng baha ang aming bahay kung hindi ay magdamagang limasan at lipatan ng kagamitan ang mangyayari.
Ngayon lamang ako muling inabutan ng ganito. Nung huli ay noong kolehiyo pa. Yamot lamang ako't nabasa at nag-amoy gasolina ang aking kaisa-isang puting rubber shoes. Kinabahan din ako dun sa kidlat. Alangan din ako sa kung ano ang maaari kong matapakan sa daan. Madaming aso sa lugar namin kaya naisip ko din na baka mayroon akong masalisod na isang bagay na may kalambutan.
Isang karanasang matatawa ako kapag naalala ko. Ulan, baha, basa...basa, baha, ulan. Ngunit ang baha, humuhupa. Ang ulan, tumitila. Ang basa, natutuyo.
Salamat at maaliwalas ang paligid ngayon kahit na makulimlim.
posted by Arn at 12:19 PM
|
<< Home