Accdg. to a certain website, this was my pastlife...think about this, "Life may not be the party we hoped for. But while we're here, we might as well dance." So, shall we?
Unstable Dancer
Layout by goldi
Saturday, July 09, 2005

Pilipino

Masa.

Sinu-sino nga ba sila? Anu-ano nga ba ang gusto nila? Nasaan nga ba sila? At para kanino ang terminong ito?

Madalas magamit yan, eh lalo na nung panahon ni dating Pangulong Estrada. Puro para sa masa ang ganito, ang ganire. Pati pala yung stored value card ko ng MRT, eh panahon pa ni Erap at may nakabalandrang mga salitang, "EDSA para sa MASA."

Ako ay limang araw kung sumakay sa MRT mula norte pa-timog at pabalik, naglalakad din ako sa EDSA at minsa'y nakasakay naman sa bus. Kung gayon, masa din ba ako?

Di ba ang salitang ito ay maaari ding itumbas sa buklod, grupo o kung ano ang mas nakararami? Hindi ako sigurado kung tama pero iyan ang rehistro sa akin sa tuwing mababasa, mapapanood at mapapakinggan ko ang balita na nag-uulat ng tungkol sa masa (Ano pa ba?)

Medyo ganitong topic ang patungkol sa post ko ngayon. Nung lunchtime ko sa opisina ng mga 2:30 ng hapon ay naabutan ko ang mga nagtitipun-tipon na mga tao, o "masa" kung gusto nyo silang i-brand ng ganun, sa may Makati Firestation. Pagkatapos kumain, habang pabalik sa building namin, ay napansin kong sarado na ang kahabaan ng Ayala. At di nga ako nagkamali sa mga sumunod na nangyari. Papauwi ako ng makita ko ang medyo malaking grupo ng mga tao sa may estatwa ni Ninoy sa may Paseo. May nagsasalita. Di ko lang nadinig ng maayos at di ko pansin kung sino kasi sa walkway ako dumaan.

Habang sakay naman ng MRT ay napansin ko ang grupo ata ni Bro. Eddie na nasa EDSA-Annapolis at may rally din. Napailing na lamang ako at nagkibit-balikat.

O, "masa" ba ang kasama nila? Kung oo, e ba't wala ako dun?

Ordinaryong tao. Naghihikahos. Isang kahig, isang tuka. Naaapi. Walang karapatan. Mahirap. Iyan kadalasan ang mukha ng sinasabing masa.

Yung walang kotse.. wala halos matinong trabaho o kung grabe pa, eh wala talagang trabaho.. palaging nasa welga.. Ganyan na lang ba talaga?

Kung kasapi ako ng masa, di ako papayag na ganyan ang tingin sakin. Kumbaga, ibahin mo ko dahil may sarili akong pakiramdam, may sarili akong bibig at higit sa lahat may sarili akong isip.

Masa - tanging gamit at pagasa ng mga pulitiko sa personal nilang interes; mabilis magsawa; mabilis maniwala; kawawa. Iyan ang aking depinisyon. Ngayon, kung sa tingin ko ay nabibilang ako sa nakararami na "masa" nga ang termino, malamang nagamit na din ako, napaniwala na din ako ng mabilis, kawawa din ako.

Hindi ko alam kung ang masa nga ba talaga ay ang mga taong mahirap, katamtaman o marangya ang pamumuhay. Naiisip ko din na halos ang mga mas naghihirap lang ay ang mga katutubong walang teknolohiya o kuryente man lamang sa lugar nila.

Maraming mahirap sa Metro Manila? Eh, halos bawat bahay nga na nadaanan ko sa may squatter's area dun, eh may washing machine, electric fan, VCD/DVD player, stereo at naglalakihang colored TV. Yun ba ang masyadong mahirap? Na pag dumadaan ang isang sasakyan sa may riles na sakop nila, eh kailangang magbukas ng driver ng bintana at maghulog ng barya sa tabong itatapat sa salamin ng sasakyan?

Eto pa isa kong sentimyento, ah. Maraming galit sa mayayaman. Pati mayayaman din naghihirap o nagtitipid. Maaaring nakuha nila ang kanilang yaman sa pagyapak sa karapatan at pang-aabuso ng kahinaan ng mahihirap [ok, wag na mga mahihirap.. basta tao na nakasalamuha nila]. Meron din naman yumaman dahil sa ambisyon, sipag, pagpupursige at tiyaga. Wag naman natin masyadong sisihin ang mayayaman. Tandaan natin na di nila tayo sagot sa buhay natin. May sarili din silang buhay. Kung gusto nilang tumulong, eh di pabayaan natin. Huwag natin silang obligahin.

Minsan pa nga mayayaman pa biktima ng krimen na may kugnayan sa salapi. Pera lang ba ang kailangan natin sa kanila?

Hindi ako mayaman. Ako'y katamtaman lang. Pero may mga kaibigan akong may kaya talaga. Ibahin naman sana natin ang imahe sa ating isip na basta mayaman ay ganito o ganyan. Nagbabayad din sila ng buwis na minsan ay malaki pa nga kesa sa binabayaran ng kakarampot lang ang kita. Nakasaad naman sa batas yun. Pareparehas lang tayong sumusunod at dapat sumunod sa batas.

Kaya pwede sana, eh wala nang hatian o pag-label na mayaman ka kaya dyan ka. Mahirap ako kaya dito ko. Alam ko dapat ilagay natin sa lugar ang ating mga sarili. Di rin kasing dali na ipaliwanag na pareho lang ang mayaman, katamtaman at mahirap na tumatae, inuubo, nagugutom, atbp. Pero sana pahalagahan natin ang bawat isa bilang tao at lalo pa kapwa natin Pilipino.

Isa pang sentimiyento, para sa mga sinasabi at pinapatungkulan nilang "mahihirap" daw. O, sige. Mahirap nga ang kadalasang di kumakain 3 beses isang araw, walang kuryente, walang supply ng tubig, walang trabaho, di nakapag-aaral, atbp. nakapanlulungkot na dahilan.

Pero di ba maski na mahirap ka, eh may buhay ka pa din?

Alam ko di ko alam kung pano maging mahirap kasi nga baka mamaya, eh "katamtaman/ average Filipino" ang antas ng pamumuhay ng pamilya ko. Ngunit may mga kaibigan at kamag-anak akong nasa hirap. Pulos negative kasi ang dating pag sinabing mahirap. Parang katumbas na ng walang pagasa. Parang pag walang tulong mula sa isang tao, eh wala na yung drive sa buhay.

May mga kaibigan akong mahirap na tinulungan ng isa pa naming kaibigan na mayaman na mapasok sa trabaho. Ano ginawa? Imbes na pagbutihin, eh umabuso pa kasi nga kakilala nila yung kaibigan namin. Ayun, eh di napahiya at nasira pa tuloy yung kaibigan kong nagpasok sa kanila. Kung tutuusin, eh wala naman sa antas sa lipunan yan, eh. Nasa pagkatao, nasa prinsipyo, nasa kung anong ugali meron ang isang tao.

Aba. May mga galing sa hirap na maski mahirap pa din hanggang ngayon, eh tapat at maganda pa din ang pananaw sa buhay. Oo, ang buhay ay hindi isang pantasya. Ngunit kelan pa naging mali na gumawa ng mabuti o tama?

Sa pangkaraniwang rally, mga ordinaryong tao ang nakikita ko talaga. Meron mga estudyante na maaring mayaman din dahil nasa isang eksklusibong paaralan. May mga walang trabaho na dumaraing na solusyunan ito ng gobyerno. May mga magsasaka, pari, driver, marahil my tambay din na humihingi at ipinaglalaban ang para sa kanila.

Siguro nga sila ang nagre-represent satin. Kasi lahat ng tao may reklamo pero di naman lahat nagwewelga. O, di para dun sa mga walang oras magwelga, eh sila na ang kinatawan ng nakararami. Ayan, may "nakararami" na naman [masa?].

O, paguwi ko ng bahay nagbukas ako ng tv para malibang naman ako kasi nga nakakapagod ang biyahe, sino nakita ko? Si Binay, si Escudero, si Cory, si Dinky. O, resign daw si Gloria.

Di ba may investigation pa nga at pine-play pa yung full length conversation niya dun sa kun sinuman yung Garci na yun?

Oo, sige. Sa surveys at mga hinaing, kokonti na lang ang may tiwala sa pamahalaan partikular kay Gloria. Ano gusto nila? EDSA People Power na naman? Pwede ba? Kung paulit-ulit na ganyan, eh ang barbaric tignan.

Alam ko may sariling stand yung mga opisyal na nabanggit ko. Kaso karamihan sa kanila taga-oposisyon. Madarama mo ang pagkaatat na sila ang humawak sa panguluhan. Gayun din ang tingin ko kay VP Noli na maski galing siya sa administrasyon.

Willing naman si Gloria na mag-undergo ng impeachment sa kongreso, eh di simulan na. Sundin natin ang batas, ang konstitusyon. Alamin kung ano mismo ang laman ng tape at hindi pagtuunan ng pansin ang edited version na parang ang malisyoso nga talaga ng dating. Kung maaalis si Gloria sa matino at legal na paraan, payag ako dun. Basta sa ilalim ng batas dumaan.

Rally. Rally. Rally.

Napanood nyo ba yung comment ng isang elected official ng Cebu. Sinabi nya na hindi lang dapat ang mga taga-Metro Manila ang nagdedesisyon kung sino ang presidenteng gusto nila. [Nadinig mo ba yan Cory? Eh, ikaw Chiz? Ikaw Noli? Ikaw Gloria? Eh, yung mga kasapi ng CBCP? Ikaw Richard? Ikaw Rez? Ikaw Susan? Ang AFP at PNP?]

Di ba ang Mindanao ay nagpahayag na din ng dismaya at may inilabas na sa media na gagawa na lang sila ng sarili nilang republika? Yung hihiwalay na sila sa Pinas.

Pati dun sa probinsyang binisita ni Gloria [Di ko matandaan kung Iloilo, eh.], sinabi nung elected official dun na para di na siya guluhin ng mga taga-Maynila, eh pwedeng-pwede niyang ilipat ang office of the president sa probinsiya nila at tatanggapin siya doon ng buong puso.

Ang US, Japan, European Union, Libya, UAE, atbp ay nagpahayag na din ng suporta sa pangulo natin.

Kung matibay ang ebidensya, eh di imbestigahan na. Eh, ba't kasi ang daming umeepal.

Oo nga't may kani-kaniya tayong opinyon. Lahat tayo Pilipino, eh. Siyempre concerned tayo sa bansa natin.

Lagi na lamang Pilipino kontra sa kapwa niya Pilipino. Personal na interes lang kaya. Concern sila sa bansang Pilipinas pero sa bandang huli, eh maisasakatuparan na nila ang kanilang nais.

Paano na nga ba ang masa? Bakit puro masa na lang? Eh, pano yung di makamasa o nabibilang sa masa? Problema na ba nila yun kung di sila kabilang?

Eh, bakit kaya hindi natin sabihin na para sa kapwa natin Pilipino?


** Sa susunod na eleksyon, DI ko iboboto kung sinuman ang kandidatong gagamit ng mabubulaklak na pananalita na ang puntirya ang masa. Di lang ang tinatawag nyong masa ang Pilipino.

Wala akong background sa pulitika. At pagiging isang kalihim lang ang pinakamataas na pwesto ang natamo ko sa eskwela. Ngunit ngayon, alam ko na pati ako, sa ayaw ko man o hindi, ay sakop pa din ng pulitika. Gusto ko lamang mapatupad ng maayos ang batas.

Ano ang ibig sabihin ng politically correct? Kung sino nakakaalam mangyari pong ipagbigay alam lamang sa akin sa gamit ang aking tagboard o haloscan. Salamat.

Ang post din na ito ay bugso ng aking pananaw sa Masa Thread ng PEx


posted by Arn everybody's gone kung fu fightin at 11:55 AM