Pilipinas, Game KNB?
Di ito tungkol sa game show na 'to.
Bago kasi ko matulog paguwi ko galing trabaho, eh nakakanood pa ako nito. Kahapon habang nanonood ako, medyo naka-relate ako dun sa contestant na nanalo para sa araw na yun. Isa siyang nanay sa limang anak, separated for ten years, di na nagtatrabaho. Siyempre, yang info na yan ay mula sa pagtatanong ni Kris pag wave 2 na ng eliminations (pyramid round).
Nalimutan ko yung pangalan nung contestant, eh. Sinabi nya dun na yung panganay nyang anak ay 23-yr old at sa call center nagtatrabaho. Yung pangalawa, eh nagtatrabaho na din. Tapos, tatlo pa yung nag-aaral. At yung bunso naman ay 9-yr old pa lang. Naisip ko din kung bakit 9-yr old pa lang yung bunso samantalang sinabi nyang 10 yrs na silang hiwalay ng asawa nya na may ibang pamilya na daw sa pagkakaalam nya. Pero anuman ang dahilan, wala na ko dun. Malamang kabado lang yung contestant kaya baka namali siya ng sabi. Naantig din ang aking puso (naks! lalim) nung tinanong ni Kris na kung ang set up ba ng family nila ngayon, eh yung kaparehas nung commercial ng isang bangko kung saan nagka-cash advance yung panganay para pang-tuition ng mga kapatid nito. Alam nyo yan panigurado. Yung "...maagang nabalo si nanay.. padre de pamilya.. " Basta ganun.
Siguro naman halos lahat sa inyong mga kaibigan ko, eh alam na naman na ako ang panganay. Nag-resign na din ang nanay ko sa bangko 2 yrs. ago kaya nasa bahay na lang sya ngayon inaasikaso lahat ng gawaing bahay. At gabi-gabing umuuwi sa bahay nila, ng lola ko, para tumulong din dun. (Naisip ko na parang ngayon lang ulit bumabawi ang nanay ko sa nanay nya bilang isang anak na nagsisilbi at nagbibigay panahon sa magulang matapos ang ilang taong paggugol ng oras nya sa trabaho at pagpapalaki sa aming 4.) Tumutulong din ako sa pag-aaral ng 2 kong kapatid na nasa college. Tumutulong din ako sa bills at gastusin sa bahay.
Baka natatanong nyo kung saan ko nakukuha yung pera. Tapos, baka naiisip nyo din na pagkalaki ng sweldo ko. Oo nga't may kalakihan ang sweldo ko. Pero pag sinuma mo, napupunta din yun sa personal na gastusin ko lalo na sa pamasahe papuntang trabaho. Matindi lang talaga kong magtipid. Di ako nagsa-shopping at gumigimik. Di rin ako nagbebenta ng katawan para kumita. Oops. Di ako nagdi-discriminate, a. Baka kasi maisip nyo na kung anu-ano ginagawa ko.
May mga panahon na nakaka-pressure. Kasi isip ako ng isip kung paano na yung gastos kung sakaling di magkasya yung pera namin. Nga pala, tumutulong din ang kapatid kong sumunod sa akin sa mga gastos. Nasa bangko ang kapatid kong babae. Successor ng nanay ko, kumbaga. Kinakalkula ko kung hanggang saan aabot yung pera ko. Kung may matititra pa ba sakin. Kung may extra ba ko sakaling biglang may pagkagastusan. Di ko nga alam kung napa-paraniod na ko. O kaya sobra lang ako na nagpi-feeling na ako na ang tatay sa amin.
Dati nga ayoko pang isipin na ako na ang padre de pamilya kasi nga wala na ang tatay ko. Pero tuwing nagkukwento ko kay John, barkada ko sa college, eh laging pinapaalala nun na wag ko daw kakalimutan na ako ang panganay. Di ba may pressure? Si John kasi pag mag-advise yun parang pari na ang dating, eh pinaghalong Ernie Baron at dean ng isang college.
Parang nasa isip ko na kung kaya ko lang i-spare sa worries lahat lalo na ang nanay ko gagawin ko. Madalas nagrereklamo ko, oo. Pero maski na ganun, eh ginagawa ko pa din ang tungkulin ko. Gusto kong makatapos yung dalawa kong kapatid. Gusto ko ding ma-experience nila yung na-experience namin ng kapatid kong graduate na. Ako, tapos ng UST tas yung pangalawa galing FEU. Yung dalawa kong kapatid na kasalukuyang nasa college, eh nasa UST. Gusto ko na kapareho din namin sila na galing sa matinong eskwelahan. Gusto ko na di na nila isipin na baka di namin kaya na gastusan sila. Sus. Sino pa ba magtutulungan, di ba? Kami nga apat kami dati na nag-aaral nakaya ng nanay ko na siya lang mag-isa, eh. Haay, dudugo utak ko sa kakaisip.
Ayoko namang tumanda ang aking guwapong-guwapong mukha. Hehe! Gusto ko din namang may assurance ang aking kinabukasan. Sa madaling sabi, may ipon ako ng sarili ko. 28 yrs old na ko pag nakatapos ang bunso kong kapatid. Eh, 25 yrs old pa nga lang tingin ko matanda na. Dapat ibahin ko na ang mentality ko na 'to para pag 28 na ko, eh bata pa din ang tingin ko sa sarili ko at mas magpursige pa akong mag-ipon. Baka kasi mag-back to zero ako.
Sa kabilang banda, eh di nga din namamalayan ang iniipon ko. Kasi madalas maski mag-withdraw ako ng sweldo tapos hati-hatiin ko sa dapat laanan, may natitira pa din. Tapos, maski withdraw-hin ko yung savings ko sa ibang bangko, eh nagpi-fill up pa din. Labas-masok nga ang pera pero may naiipon pa din ako. Pati nga ako nalilito kung ano nangyayari kasi di ko na din ma-compute (Di dahil sa laki ng savings kasi maliit lang naman. Di ko ma-compute kasi nalilito ko sa transactions na ginagawa ko.)
Kanina ko pa iniisip ang bagay na 'to bago ko matulog sa sleep room kagabi.
Bale ang pinagkukunot ng noo ko ngayon ay ang mga sumusunod:
1. Budget. Parang dama ko na kung pano ang problema ng presidente ng isang bansa para sa nakalaang pondo.
2. Career . Eto na nga yata ang quarter life crisis.
3. Personal Savings. Siyempre hindi na ko hihingi ng pera maski kanino. Dapat pinagtatrabahuhan ko na. Sabi ko nga, kung may biglaang lakad, bilhin o kung anuman, may pera ako. Tsaka mahirap sa lalaki ang walang pera. Provider pa naman ang tingin satin.
4. Paranoia . Sa lalong madling panahon, dapat tigilan ko na ang pag-iisip ng kung anu-ano. May pagka-spontaneous ako maski papano. So, dapat maski may plano, gawan ko pa din ng ibang timpla ang buhay ko. Variety at Adventure baga.
Nawa'y maisakatuparan kong iwaksi ang mga yan sa aking isipan sa pinakamabilis at siguradong paraan. Kaya time space warp, ngayon na . Haha!
Ayan, naibahagi ko lang. Na-struck like a lightning talaga kasi ko nung episode kahapon, eh.
Iniisip ko lang na ito ang aking training ground o ojt para pag nagkapamilya na ko balang araw, eh alam ko na ang pakiramdam. At masasabi ko sa sarili ko na napagdaanan ko na ang mga ito. Kaya mas makakaisip agad ako ng solusyon o makakapag-adjust din ako.
At di ko kakalimutan na buhay pa ako. Iyan ang mahalaga. Enjoy lang dapat.
Kaya Arnold, game ka na ba?
Ako: Game na! I hope to get the million... a million of life's experiences. Nakanam!
*play Pilipinas, Game KNB?'s theme here*
posted by Arn at 6:54 AM
|
<< Home