Eto Ka
Sa mga bagong graduate at mga nagbibilang na lamang ng araw bago sumapit ang araw ng kanilang pagtatapos, mabuhay kayo!
Syempre ang pagbati na ito ay para sa mga sasampa na sa kolehiyo at sa mga dadagdag pa sa listahan ng mga walang trabaho sa bansa. Joke. Para sa mga mag-aaral na magsisipagtapos sa elementarya, sekondarya at kolehiyo, isang malaking hi!
Biruin mo nga naman, ano. Magtatatlong taon na pala kong nakayari sa kolehiyo. Sa aking pagkakatanda, ang araw ng aking graduation ay natapat sa araw ng libing ng isang sikat na batang aktor. Ngunit di lang sa araw ng pagtatapos nauuwi ang lahat. May mas higit pang dalang bagong mukha ang mga toga, diploma, medalya, palakpak at kodakan... ang mukha ng isang ganap na mamamayan.
O, di ba parang ang tanda na agad ng dating? Pero sa panahong natapos ka na sa pag-aaral, partikular na sa kolehiyo, ay mas ramdam mo ang mga responsibilidad mo sa iyong sarili. Huwag muna nating isama ang iyong pamilya, iyong bayan at iyong kapwa. Lahat ay hihinto sa iyong sarili animo'y nasa sentro ka ng daigdig at ang iyong paligid ay umiikot. Nakakahilo. Nakakamangha. Nakakadala.
Siya nga pala. Nasabi ko ba na ang sustento o allowance pag graduate ka na, eh mahihinto na? Ang panglakwatsa? Pang-beach ngayong bakasyon? Pang-load? Siguro kung RK (Rich Kid) ka, eh no problemo ka dito.
Pero teka. Nung pagka-graduate ko, eh nakapag-Fontana at Batangas pa ko nun, a. Tas nakanood-nood pa ko ng UAAP/NCAA Showdown, may allowance pa ko na P20 araw-araw. Pero wala akong pang-load nun kasi wala naman akong celfone. At lalong di ako RK. Masyado lang siguro kong "inintindi" ng nanay ko't wala pa kong hanapbuhay noong mga panahong yaon.
Una akong nagpasa ng resume at application letter sa isang call center at isang computer shop ata. Tas nasundan pa para sa isang clinic. At ang una kong job interview sa posisyon na medical representative sa isang malaking kumpanya. Sa kasamaang palad ay di ako na-interview kasi di talaga ko handa at na-late ako. Nahiya na din akong magtanong nun. Di ko din gusto suot ko. Long hair pati. So, sa ka-bad trip-an ko, umalis na lang ako at nanood ako ng basketball. Pagkatapos, pinagupit ko na ang pinakamamahal kong buhok. Eh, di syempre clean cut na ulet ako.
Makalipas ang tatlong araw ay tinawagan ulet ako nung kumpanya na di ko tinuloy ang interview. Nag-schedule na naman sila. Sa Makati Shangri-La naman ngayon. Nung una kasi ay sa Westin' Philipping Plaza. Dun, medyo confident na ko kasi guwapo na ko nun, e. Haha! Long sleeves. Black pants. Black leather shoes. Neck tie... at naka-gel ang buhok ko. Nakapasa naman ako sa exam. Sa interview ako pumalya kasi sinabi ko na may balak akong bumalik ng school. Eh, sino ba naman ang tatanggap sakin pag ganun?
Second job interview ko ay sa may parteng Ortigas. Med rep na posisyon din. Na-late ako ng isang oras kasi galing pa ko sa DFA nun. Walang nangyari kasi halata sa interviewee na ang hinahanap nila, eh yung experienced na. Pero tuwa na din ako nun. Nakapostura na naman kasi ko. Hehe!
Pangatlong job interview ay para sa isang laboratory sa may samin lang. Nakapasa naman ako. nagsimula ako nung kina-Lunes-an pagkatapos ng Holy Week. Limang buwan at sampung araw din yata ang itinagal ng kontrata ko dun na tinapos ko naman. Masaya pero di talaga yun ang para sa akin.
Pang-apat ay dito sa kumpanya ko ngayon. Pero bago pa mangyari yun ay kasalukuyang kumukuha ako ng Teaching units tuwing Sabado. Wala na kong nagawa kundi mag-AWOL kasi ayaw nila ko payagan mag-drop. Di ko na siguro kailangang ilarawan pa ang mga nangyayari o nangyari sakin dito sa kumpanya kasi magiging off topic na. Basahin nyo na lang ang iba kong mga post dito.
Nagawa ko ang topic na ito upang maihatid lamang ang pakiramdam ng isang bagong graduate na di pa alam ang gagawin sa mundo o yung "tunay na mundo/real world" na sinasabi ng nakararami. Parang batang paslit na kaluluwal pa lamang ng kanyang ina na di malaman kung ano ang naghihintay sa kanya. Parang back to zero o sa scratch ka na naman. Tas iisipin mo kung ano ang edge o aadvantage mo sa iba. Parang binibilang (quantify) mo ang mga kakayahan mo. At pag wala ka nang maisip ay kukwestiyunin mo ang sarili mo kung magaling o karapatdapat ka nga ba o hindi.
Pag sinimulan kasi ng katamadan, eh magdidire-direcho na. Tatamadin ka nang mag-apply. Maglakad-lakad sa paghahanap ng trabaho. Minsan pa gagayahin mo kung ano na pinagkakaabalahan ng kaklase mo o kaeskwela mo. Kung bumalik sya sa school, malamang bumalik ka din.
Pero ito siguradong asskicker. Ang pagka-miss mo sa lahat ng may kinalaman sa eskwelahan. Ang pag-commute, mga projects, barkada, lunch na sama-sama... Parang mas tumanda ka kasi puro responsibilidad ang mga nasa isip mo. Pag-iipon. Career. Lovelife. Kasal. Kotse. Bahay. Luho. Gimik. Kung sabay-sabay na iisip ay pihadong magkadikit na ang mga kilay mo sa pagkakakunot nito.
Sa lahat ng ganito, eh sarili mo lang din naman ang mababalingan mo. Maski anong payo o tip sa paghahanap ng trabaho o pagbuo-buo ng mga pangarap mo mula sa mga malalapit sayo, sarili mo pa din ang may huling desisyon dyan. Bigyan muna sandali ang sarili bago sumabak sa pagod sa trabaho. Mag-iiba na marahil ang estilo ng iyong pamumuhay gawa na din ng mga bagong taong makikilala mo, mga bagong eskperiyensyang may kaakibat na aral, mga pangyayaring babago ng pananaw, desisyon at tingin mo sa buhay. Konting ngiti. Isang hinagang malalim. Magyayang kumain kasama ang isang kaibigan. Masdan ang bughaw na kalangitan hangga't wala pa ang tag-ulan.
Iparamdam mo na eto ka. Naririto at di matitinag.
posted by Arn at 9:19 AM
|
<< Home